Ang Orasyon (Angelus)
N. Binati ng anghel ng Panginoon si Santa Maria. B. At siya ay naglihi lalang ng Espiritu Santo. Aba Ginoong Maria… N. Narito ang alipin ng Panginoon. B. Maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo. Aba Ginoong Maria… N. At ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao. B. At nakipamayan sa atin. Aba Ginoong Maria… N. Ipanalangin mo kami, O Santang Ina ng Diyos. B. Nang kami ay maging dapat makinabang sa mga pangako ni Hesukristo. Manalangin tayo. Panginoon, hinihiling namin na ibuhos mo ang iyong grasya sa aming mga kaluluwa, upang kaming nakakilala sa pagkakatawang-tao ni Hesukristo na iyong Anak sa pamamagitan ng pagbati ng anghel ay makarating sa kaluwalhatian ng kanyang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng kanyang mahal na pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Sa pamamagitan din ni Hesukristo, aming Panginoon. Amen.
Tradisyonal na dinarasal sa ika-6 ng umaga, tanghali at ika-6 ng gabi, nang tumutunog ang kampana ng simbahan. Sa Panahon ng Pagkabuhay, pinapalitan ito ng Regina Caeli. (N. = namumuno, B. = bayan.)